Lunes, Enero 19, 2015

Ang mga Street Children

Ang mga Street Children


          Paglabas natin at pagdaan sa mga kalye, marami tayong nakikitang mga bata na nanghihingi ng limos sa mga tao, karamihan din sa kanila ay kumakatok sa mga sasakyan. Ang iba naman ay nangunguha ng basura, ang iba ay nagtitinda ng mga sampaguita, basahan at iba pa. Sa jeep naman, minsan sila ay sumasakay at namimigay sila ng mga sobre. Pero ang mas malalala pa ay yong mga sumisinghot ng rugby at mga nagnanakaw. Bakit nangyayari ang mga ito? siguro dahil na din na mababa ang ekonomiya ng bansa kaya ang ibang mga pamilya ay naghihirap at ang kanilang mga anak ay pumupunta sa kalye para doon tumambay, gawing tahanan, at mamulubi. Pero hindi lahat ng street children ay ganyan minsan sila ay pinapabayaan ng kanilang magulang at naaabuso sila. May iba naman na kinukuha ng sindikato at ginagamit para makakuha ng pera o makanakaw. Gumagawa naman ng paraan ang pamahalaan para tulungan ang mga street children na makaahon. Isa na dito ay ang DSWD na kumukuha ng mga street children. Ang ginagawa ng DSWD sa street children ay binibigyan ng disiplina at pinagaaral para sa kanilang paglaki magiging maganda ang kanilang kinabukasan. Hindi lang naman street children ang nandoon, may mga naulila din na mga bata at kinuha ng DSWD. Tuwing may nakikita akong street children na nanghihingi ng pera sa mommy ko ay ang binibigay ng mommy ko ay pagkain. Kasi kung pera ang binigay ng mommy ko baka daw ipambili ng rugby at hindi iyun maganda sa kanilang kalusugan dahil nagiging baliw sila o nawawalan ng memorya. Kaya mas mabuti na bigyan ng pagkain na lang. Kailangan tayo ay magtulungan at gumawa ng paraan para mabawasan ang mga street children o kaya kung mas maganda ay wakasan ang street children para gumanda ang ating bansa. Siyempre para magawa yun dapat tayong mga Pilipino ay magsikap para umunlad ang bansa at doon mababawasan ang mga street children dahil magkakaroon ng trabaho ang bawat pamilya na bubuhay sa kanilang mga anak at hindi na kailangan maging street children.

Linggo, Enero 18, 2015

Pagkasabik sa Gadgets

Pagkasabik sa Gadgets

         Sa makabagong panahon, halos lahat na ng tao ang gumagamit ng iba't ibang uri ng gadget tulad ng laptop, iPod, cellphone, digital camera at marami pang iba. Dala na din ito ng modernisasyon kaya tayo ay nasasabik gumamit ng gadgets pero gamitin ito ng tama. Bihira na lang ang hindi gumagamit nito. Kahit na matatanda ay marunong gumamit ng mga makabagong kagamitan, kahit na ang mga batang nasa tatlong taong gulang ay marunong na rin. Para sa akin may mga kabutihan at kasamaan ding naidudulot ang paggamit ng mga ito. Ilan sa kabutihang naidudulot nito ay napapadali ang mga gawain, madaling nahahanap ang mga gustong i-search lalo na ng mga mag-aaral. Hindi katulad noon na kailangan pang maghanap sa library ng mga gustong hanapin kaya minsan ay kinukulang na sa oras at araw. Ngayon, kadalasan sa isang click lang ay nakikita na ang gustong malaman. Malaki ang naitutulong nito sa mga takdang-aralin at proyekto ng mga mag-aaral. Malaki rin ang naitutulong nito upang mapadali ang komunikasyon ng bawat tao tulad na lang ng facebook at cellphone. Sa tulong ng facebook kahit na ang matagal ng hindi nakikitang kaibigan ay nakikita at nakakausap pa. Ngunit kung maraming naitutulong ang mga bagong gadget ay may mga naidudulot ding hindi magagandang bagay tulad na lang sa mga mag-aaral at kabataang tulad ko. Tulad ng laging sinasabi ng mommy ko nang dahil daw sa mga online games marami daw akong hindi nagagawa kagad na mga gawain. Marami ding nakakausap ang mommy ko na nagrereklamo din sa kanilang mga anak dahil madalas daw inuuna pa ang computer kaysa paggawa ng mga assignments at halos hindi na tumatayo o hindi na nakakakain dahil sa kalalaro sa computer. Ang iba naman ay napapanood ko sa telebisyon na dahil daw sa mga napapanood sa computer ay marami ng nangyayaring krimen dahil sa mga napapanood na hindi karapat-dapat lalo na para sa kabataang tulad ko. Kaya para sa mga mag-aaral at kabataang tulad ko, gamitin ang gadgets sa tamang paraan at may responsibilidad para maiwasan ang masyadong pagkasabik sa gadgets. Gamitin lang ito kung kinakailangan katulad kung may assignment at iba pang mahahalagang bagay bago gamitin para maglibang para matapos kagad ang mas mahalalgang gawain.

Pagmamahal sa Bayan

Pagmamahal sa Bayan


        Ang pagmamahal sa bayan ay isang mahalagang tungkulin ng isang mamamayan sa isang bansa. Lahat tayo kahit kabataan ay dapat may pagmamahal sa bayan dahil kung wala tayo nito ay "daig pa natin ang hayop at malansang isda" katulad ng sinabi ni Dr. Jose Rizal. Maraming paraan para maipakita natin ang ating pagmamahal sa bayan tulad ng pagmamahal sa sariling wika, pagtangkilik at pagbili ng produktong gawa sa ating bansa. Pwede rin nating tularan ang ibang mga katangian ng mga bayani sa ating bansa na inialay pa ang kanilang buhay para lang maipagtanggol ang bayan. Pero hindi naman ibig sabihin na ialay din natin ang ating buhay, siguro bilang kabataan o mag-aaral dapat nating ipagmalaki ang ating pagiging Filipino sa pamamagitan ng pagsunod sa kultura na kinagisnan ng ating mga magulang. Dapat huwag nating gayahin ang kultura ng ibang bansa na para lang maging makabago ay kinakalimutan na ang mga nakagisnang kultura na natutunan natin sa ating mga magulang at sa ating mga lolo at lola. Ako, bilang kabataan ay masasabi ko pa rin na may pagmamahal pa rin ako sa bayan dahil sinusunod ko pa rin ang mga kultura na nakagisnan ng aking mga magulang tulad ng paggalang sa nakatatanda, pagmamano, at paggamit ng po at opo. Bilang mag-aaral, maipapakita rin natin ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng paggalang sa watawat at pag-awit ng Lupang Hinirang sa tamang paraan. Para sa akin, hindi naman mahirap gawin ang pagmamahal sa bayan, kailangan lang ng disiplina, pagiging matapat, at higit sa lahat pagmamahal sa pamilya at pati na rin sa kapwa.


Huwebes, Enero 15, 2015

Ang Gobyerno

            Ang Gobyerno


          Ang Gobyerno ang tumutulong sa tao at nagbibigay kapayapaan at kaayusan sa isang bansa para maging maganda at matiwasay ang pamumuhay ng isang bansa. Pero sa aking nakikita bakit madaming pamilya ang naghihirap. Dahil ba sa ating gobyerno? o dahil na rin sa mga tao na walang ginagawa para magbago?. Pero sa aking nakikita ang Gobyerno ay ginagawa naman ang tama at ipinakukulong ang mga nangungurakot sa bansa. Pero bakit madami pa din ang OFW?. Dahil hindi maunlad ang ating bansa kaya sila nangingibang bansa, at nahihiwalay sa kanilang pamilya ng matagal na panahon para buhayin ang kanilang sarili pati na rin ang kanilang pamilya. Ang gobyerno ay gumagawa ng paraan para malutas ito kailangan lang ng sipag at tiyaga at tiwala sa sarili ng isang tao para magkaroon ng trabaho para makaahon sa hirap. Sana lang sa aking paglaki makakuha ako ng magandang trabaho para makatulong sa pag-unlad ng bansa at ng aking sarili pati na rin ang aking pamilya. Kung sana kasi walang nangugurakot na tulad ni Napoles at ng iba pang pulitiko sana nabawasan ang kahirapan at sana nagamit ang mga nakurakot na iyon para sa tao/mamamayan at napakinabangan pa iyon kaysa gamitin para sa sariling kapakanan. Kung wala lang sanang nangungurakot, sana ay maunlad na  ang ating bansa. Sana gamitin ng tama ang perang ibinibigay ng mamamayan sa gobyerno para umunlad ang ating bansa at dapat hindi ito kinukurakot kaya sana maging okay ang lahat at mabawasan ang kahirapan kasi alam ko na darating din yun. Pero dapat tayo din ay gumawa ng paraan para maging maayos ang ating bansa at makaahon sa hirap. Magiging maunlad din tayong bansa, asahan natin yan. Kailangan lang natin ang pagtutulungan at pagkakaisa.

Ang pagbisita ni Lolo Kiko

Ang Pagbisita ni Lolo Kiko



          Ang pagbisita sa atin ni Pope Francis ay isang malaki at mahalagang bagay sa ating mga mananampalataya. Ito rin ay makasaysayan dahil ito raw ang unang pagkakataon na nagmisa ang Papa sa gitna ng bagyo na ginanap sa Tacloban. Halos lahat ng tao ngayon dito sa Pilipinas ay nanunuod at inaabangan ang paglabas ni Pope Francis, pero ano nga ba ang tunay na dahilan kung bakit siya pumunta dito sa Pilipinas? Pumunta siya dito para tayong mga Pilipino ay lumakas ang pananampalataya para sa ating Panginoon at palapitin tayong mga kabataan sa Panginoon. Pumunta rin siya dito dahil gusto niyang tulungan at palakasin ang loob ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Tacloban. Gusto din niyang mabigyan ng lakas at tiwala sa panginoon ang mahihirap na pamilya. Sana sa araw-araw na buhay ng mga tao maging mabuti sila at hindi lang kung kailan nandito si Lolo Kiko. Dapat lagi itong ginagawa ng mga tao at maging ng gobyerno para gumanda ang estado natin sa buhay. Ako, bilang kabataan ang nagawa ko na lang ay manuod sa telebisyon. Pero kahit hanggang telebisyon lang, ako ay maraming natutunan sa pagbisita ni Pope Francis tulad ng pagiging mapagpakumbaba. Kaya dapat ang pagbisita ni Pope Francis ay maging makabuluhan para sa ating mga mananampalataya katoliko man o hindi katoliko. Ito ay nagpapaalala sa atin na tayo dapat ay maging mabuting tao para sa ating Panginoon. Kahit tayo ay isang simpleng tao, okay lang basta ang mahalaga ay ang ating pananalig sa Panginoon. Kaya sa pag-alis ni Pope Francis, sana mamulat tayong mga Pilipino na dapat lumakas ang pananalig natin sa Panginoon at maging mabuting tao tayo at maging mapagpakumbaba at maging masayahin katulad ni Lolo Kiko na laging nakangiti.